CAUAYAN CITY- Inirereklamo ng mga residente ng Barangay Amobocan ang pagkasira ng kalsada bunsod ng pagdaan ng mga heavy equipment ng mga contractor na nagsagawa ng flood control project sa lugar.
Ayon sa mga residente, dating sementado ang pataas na bahagi ng kalsada na nag-uugnay sa Poblacion at bukirin, ngunit ngayon ay halos hindi na madaanan. Nangako umano ang mga contractor na aayusin ito matapos ang proyekto, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring aksyon.
Ang nasabing kalsada ay pinondohan mula sa sariling kita ng barangay. Maging ang mga opisyal ay dismayado sa iniwang pinsala sa imprastruktura na sila mismo ang nagpagawa.
Ayon kay Tatay Robert Canceran, hirap silang maghatid ng mga produktong agrikultura dahil sa lubak-lubak na daan. Pati mga alagang hayop gaya ng kalabaw at baka ay nahihirapan sa pagdadala ng mabibigat na karga.
Nanawagan ang mga residente na tuparin ng mga contractor ang pangakong pagsasaayos ng kalsada bago tuluyang iwan ang proyekto. Sa ngayon, umaasa pa rin ang barangay na babalikan ito at hindi basta pababayaan.










