--Ads--

Nilinaw ng pamahalaang barangay ng Labinab, Cauayan City na bumaba ang vertical clearance sa kanilang lugar kaya’t may ilang sasakyang sumabit dito.

Matatandaan na dulot ng malakas na agos ng tubig sa mga nakalipas na linggo o buwan, unti-unting gumuho ang lupang sumusuporta sa konkretong tulay. Dahil dito, nagkaroon ng potensyal na panganib sa mga dumaraan, kaya nilagyan ito ng vertical clearance.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Juanito Estrada ng Brgy. Labinab, sinabi niyang aksidente lamang ang pagkakasabit ng ilang sasakyang dati namang nakakatawid sa tulay, marahil bunsod ng pagbaba ng itinayong clearance.

Aniya, nagulat na lamang ang tsuper ng isang L300 van na pag-aari ng isang kompanya nang sumabit ito sa vertical clearance. Pagkaraan, isang tricycle naman ang bumangga sa bahagi ng clearance at tumama sa nakahintong Fortuner sa tabi ng L300 van.

--Ads--

Maging ang isang elf truck na nagdedeliver ng tilapia sa lugar ay sumabit din, gayong araw-araw itong dumadaan sa tulay.

Dahil dito, hinala ng barangay na bumaba ang inilagay na clearance dahil hindi nilagyan ng maayos na pundasyon ang pinaghukayan ng poste, kundi tinabunan lamang ng lupa.

Posible umanong dulot ito ng mga naranasang pag-ulan, dahilan upang bumaba ang poste at sumabit na ang mga sasakyang dati ay nakakadaan.

Upang maiwasan ang pagka-ulit ng insidente, agad itong itinawag sa City Engineering Office. Inayos na ang pundasyon at sinuri ang tamang taas ng poste.

Nanawagan naman ang punong barangay sa mga motorista na tiyaking kasya ang kanilang sasakyan bago tumawid sa tulay upang hindi na maulit ang mga insidente.