Inihayag ng Public Order and Safety Division (POSD) ng Cauayan City na kailangan ng masusing pag-aaral upang matukoy kung saan ilalagay ang mga traffic light sa mga kalsada sa poblacion area.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na maraming dapat isaalang-alang bago magpatayo ng traffic lights.
Aniya, may apat na bahagi ng kalsada sa lungsod na maaaring lagyan ng traffic lights upang mas makontrol ang daloy ng trapiko.
Sa ngayon, isinasagawa na ang pagpapatayo ng traffic light sa intersection ng national highway sa Brgy. San Fermin, kung saan araw-araw ay nararanasan ang mabigat na daloy ng trapiko.
Mahalaga ang nasabing lugar dahil ito ang nag-uugnay sa mga kalsadang patungo sa Cabatuan, Isabela, sa national highway, at sa mga daan papunta sa F.L. Dy Coliseum at City Hall, kaya’t maraming sasakyan ang dumaraan dito.
Dagdag pa niya, may mga obstruction sa lugar na kailangang alisin upang matiyak na makikita nang maayos ang ipapatayong traffic light.
Malaking tulong aniya ang mga traffic light sa kanilang mga personnel na kasalukuyang nagmamando sa nasabing kalsada, dahil mababawasan ang kanilang trabaho.











