Maganda umanong hakbang ang ‘lifestyle’ check upang matukoy kung sinu-sinong mga politiko at kawani ng Gobyerno ang yumayaman dahil sa pagnanakaw sa kaban ng bayan.
Ito ang inihayag ni Atty. Domingo “Egon” Cayosa, dating pangulo ng Integrated Bar of the Philippines sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan na may kaugnayan sa direktiba ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. hinggil sa pagsuri sa lifestyle ng mga opisyal ng Gobyerno bilang bahagi ng nagpapatuloy na imbestigasyon sa maanumalyang flood control projects.
Aniya, magandang simulain ang lifestyle check subalit kailangan ng “follow through” upang mapanagot ang mga mayroong “unexplained wealth” maging ang mga hindi kalakihan ang binabayarang tax ngunit mayroong mga luxury items.
Hindi na aniya bago ang lifestyle check sa bansa dahil ginagawa ito ng halos lahat ng mga namumuno sa bansa subalit hanggang ngayon ay wala namang napaparusahan.
Suhestiyon naman ni Cayosa na mainam kung pagtuunan ng pansin ang mga opisyal ng pamahalaan na pinagsususpetsyahang nangungurakot lamang sapagkat mayroon pa rin naman aniyang mga matitinong opisyal.
Bagaman maaaring maging lifestyle check ang mga kapamilya ng iniimbestigahang opisyal ay tanging ang mismong opisyal lamang ang maaaring mapanagot kung sakaling mapatunayan na mayroon silang katiwalian.











