Labinlimang (15) kontratista ang natukoy ng Commission on Elections o Comelec na nagbigay ng kontribusyon sa ilang kandidato sa pambansa at lokal na halalan noong 2022, ayon kay Comelec Chairperson Atty. George Erwin Garcia.
Ayon kay Garcia, maaari pang madagdagan ang bilang na ito dahil sa kasalukuyan ay sinusuri pa lamang ng Political Finance and Affairs Department o PFAD ang mga kandidatong tumakbo sa pambansang posisyon noong 2022.
Batay sa inisyal na pagsusuri ng PFAD natukoy na may mga kontratista na nagbigay ng pondo upang suportahan ang ilang kandidato.
Ang PFAD ang ahensiyang responsable sa pagrerepaso at pagbibigay ng beripikasyon sa mga Statement of Contribution and Expenses o SOCE ng mga kandidato.
Gayunman, nilinaw ni Garcia na hindi pa tiyak kung ang mga ito ay may kasalukuyan o nakaraang kontrata sa pamahalaan.
Aniya ang Department of Public Works and Highways o DPWH ang magsusuri kung ang mga nasabing kontratista ay nagkaroon ng kontrata sa gobyerno bago at matapos ang paghahain ng certificate of candidacy at kung nanalo o natalo man ang kandidato na kanilang sinuportahan.
Binigyang-diin ng Comelec na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng Section 95(c) ng Omnibus Election Code ang pagtanggap ng donasyon mula sa sinumang government contractors dahil ito ay itinuturing na election offense.
Ayon sa batas, ang sinumang natural o juridical person na may kontrata o sub-kontrata upang magsuplay ng produkto, serbisyo, o magsagawa ng proyekto para sa pamahalaan ay hindi maaaring magbigay ng anumang kontribusyon para sa partisan political activity.
Kung mapatunayang may kontrata ang mga kontratista ito sa gobyerno maaari silang makulong ng isa hanggang anim na taon.
Hindi lamang ang mga konstratista ang may pananagutan kundi pati narin ang kandidatong tumanggap ng ganitong uri ng donasyon.
Ipinunto pa niya ang huling bahagi ng Section 95 ng OEC na nagsasabing: bawal para sa sinumang tao ang humingi o tumanggap ang anumang kontribusyon mula sa alinmang tao o entity na nakasaad sa bahaging ito.











