--Ads--

Muling binatikos ni Senador Panfilo “Ping” Lacson ang Philippine Contractors Accreditation Board (PCAB) matapos ibunyag ang umano’y posibleng conflict of interest ng dalawang miyembro ng board na sabay na nagsisilbi bilang opisyal ng ahensya at presidente ng kani-kanilang construction firms.

Sa isang pahayag, tinukoy ni Lacson sina Engineers Erni Baggao at Arthur Escalante bilang mga opisyal ng PCAB na pumirma sa mga kontrata ng pamahalaan habang nanunungkulan bilang board members. Si Baggao ay presidente ng EGB Construction, samantalang si Escalante ay may-ari ng A.N. Escalante Construction Inc.

Samantala, mariing itinanggi ng PCAB ang alegasyon ni Lacson na may mga indibidwal o grupo na humihingi ng bayad kapalit ng contractor accreditation, na sinasabing umaabot sa P2 milyon.

Ayon sa board, wala itong inawtorisang sinuman para kumatawan sa kanila kapalit ng pera, at kasalukuyan nilang tinutugunan ang mga isyu kaugnay ng shortcut sa lisensya.

--Ads--

Sa halip na agad na pagtanggi, hinimok ni Lacson ang PCAB na imbestigahan ang mga alegasyon laban sa sarili nitong mga opisyal. Aniya, “May potensyal na conflict of interest sa dalawang board directors na lumalabag sa RA 6713.”

Binanggit ni Lacson ang Section 7 at 9 ng Republic Act 6713, na nagbabawal sa mga opisyal ng gobyerno na sabay na magmay-ari o magpatakbo ng pribadong negosyo na may kaugnayan sa kanilang tungkulin.

Ang paglabag dito ay maaaring magresulta sa pagkakakulong ng hanggang limang taon, multa, at diskwalipikasyon sa pampublikong serbisyo.

Ayon pa sa senador, si Baggao ay pumirma sa mga lisensyang inilabas ng PCAB habang sabay na pumirma sa kontrata ng DPWH bilang presidente ng EGB Construction. Si Escalante naman ay lumagda sa PCAB annual report noong 2022 habang pumirma rin sa kontrata ng DPWH para sa kanyang kumpanya.

Kaugnay nito kinumpirma ni Trade Secretary Cristina Roque na may isinasagawa ng imbestigasyon kaugnay ng mga alegasyon ni Sen. Lacson.