--Ads--

Natanggal na ang bumalandra na trailer truck na naaksidente sa Ariwong, Nagsabaran, Diadi, Nueva Vizcaya.

Matatandaan na isang trailer truck na may kargang 36 tons ng kamoteng kahoy ang nawalan ng preno habang binabagtas ang matarik at palikong kalsada. Dahil dito, tumagilid ang truck at nagdulot ng bahagyang pagsikip ng daloy ng trapiko sa lugar.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Captain Darryl Marquez, sinabi niyang napilitan ang driver na ibangga na lamang ang truck sa pader ng isang bahay matapos mawalan ng preno. Dahil sa takot, tumakas ang driver matapos ang insidente ngunit kalaunan ay nagpakita rin upang magbigay ng impormasyon.

Ayon sa may-ari ng bahay, sadyang pinalakihan nila ang kanilang pader dahil madalas nang magkaroon ng aksidente sa lugar, partikular na ang pagkakasangkot ng mga malalaking truck.

--Ads--

Dagdag pa niya, hindi na bago ang mga ganitong insidente sa Ariwong dahil sa matatarik na kalsada at mas madalas na naaaksidente ay mga truck na may mabibigat na karga.

Sa ngayon, may pag-uusap na ang may-ari ng truck at ang may-ari ng bahay na nasiraan ng pader.

Samantala, balik normal na rin ang daloy ng trapiko sa lugar. Nagpaalala naman ang Diadi Police Station sa mga motorista na maging maingat, at sinabing mayroon nang mga karagdagang signage na inilagay sa mga lugar na itinuturing na accident-prone area para magsilbing babala sa mga dumaraan.