Hinimok ni Police Lt. Col. Avelino Canceran Jr., hepe ng Cauayan City Police Station, ang kanyang mga kapwa pulis na tiyakin ang pagkakaroon ng makisig at malusog na pangangatawan.
Alinsunod ito sa mandato ni dating PNP Chief Nicolas Torre III na dapat ay physically fit ang lahat ng miyembro ng kapulisan at kinakailangang magbawas ng timbang kung sobra, upang maging mas handa sa mabilisang pagtugon sa mga insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, binigyang-diin ni PLtCol. Canceran na nananatili ang nasabing direktiba kaya mahalagang obserbahan ng mga pulis ang kanilang Body Mass Index (BMI).
Nilinaw naman niya na hindi nangangahulugang hindi na makakapagresponde ang mga pulis kung sila ay may kalakihan ang pangangatawan. Aniya, ang pag-eehersisyo at pagpapanatili ng magandang pangangatawan ay para rin sa ikabubuti ng bawat uniformed personnel at dapat lamang na ito ay i-maintain.
Dagdag pa ng hepe, bagama’t hindi niya pipilitin ang kanyang mga tauhan na magpapayat, magsisilbi umano siyang inspirasyon upang maisakatuparan ang hangarin para sa mas malusog na kapulisan.
Naniniwala rin si PLtCol. Canceran na hindi nasasayang ang day-off ng mga pulis dahil ginagamit nila ito sa iba’t ibang physical fitness activities.











