--Ads--

Hindi katanggap-tanggap para kay Prof. Danilo Arao, Journalism Professor ng University of the Philippines at convenor ng election watchdog na Kontra Daya, ang ginawa ni Leyte 4th District Rep. Richard Gomez matapos nitong akusahan ang ilang mamamahayag na bahagi umano ng bayarang “media spin” at ibinunyag pa ang kanilang pangalan at contact details nang hingin ang kanyang panig tungkol sa nasirang flood control structure sa bayan ng Matag-ob, Leyte.

Ayon kay Arao, ang ginawa ng mga reporter ay simpleng pagtupad lamang sa tungkulin na kunin ang panig ng mambabatas. Dagdag pa niya, ang pagbibigay ng pagkakataon kay Gomez na makapagsalita ay bahagi ng patas na pamamahayag at nakabubuti pa sana para sa kanya.

Binatikos din ng propesor ang pagbabahagi ni Gomez ng screenshots na naglalaman ng pangalan at numero ng mga mamamahayag, na posibleng lumabag sa Data Privacy Act at naglagay sa mga ito sa panganib ng harassment at panloloko.

Giit ni Arao, maaari namang tumanggi si Gomez na magbigay ng pahayag o manahimik kung ayaw niyang sagutin ang isyu, kaysa magbintang ng masamang motibo at ilantad ang pribadong impormasyon ng media.

--Ads--

Nangyari pa ito sa bisperas ng pagdiriwang ng National Press Freedom Day kahapon, August 30, bagay na tinukoy ni Arao bilang isang nakakahiyang aksyon, lalo’t minsan nang kumuha si Gomez ng ilang kurso sa UP College of Mass Communication. Aniya, tila wala itong natutunan tungkol sa tama at responsableng pakikitungo sa media.

Dagdag pa ng propesor, dapat pang magpasalamat ang kongresista sa mga mamamahayag dahil binibigyan siya ng pagkakataon na maipahayag ang kanyang panig sa isyu ng flood control projects.

Hinimok din niya si Gomez na maglabas ng public apology at sumailalim sa seminar upang maunawaan ang tunay na trabaho ng media.