CAUAYAN CITY- Nag-emergency landing sa maisan na sakop ng Barangay District 1, Reina Mercedes, Isabela ang isang “Airvan” na mula sa Cauayan City Airport at patungo sana sa Bayan ng Maconacon sa hindi pa makumpirmang dahilan.
Sa exclusive interview ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Jonathan Cauilan ang may-ari ng maisan kung saan nag emergency landing ang eroplano, sinabi niya na katatapos lamang nilang nagpa-reaper ng makita nila ang eroplano sa himpapawid na tila nagkakaroon ng problema nang bigla umano itong umikot pabalik at nag landing sa maisan niya.
Dahil sa pangamba na baka sumabog ang eroplano ay nagtakbuhan sila.
Nang maka-landing ay agad nilang sinaklolohan ang mga sakay nito at mapalad nalamang aniya na walang nasaktan sa anim na pasaherong sakay ng eroplano maging ang isang piloto nito.
Isa sa napansin nila sa nag landing na eroplano ay ang kakaibang amoy ng wiring nito gayunman hindi pa ito kumpirmado dahil nagsasagawa pa lamang ng imbestigasyon ang mga awtoridad sa insidente.
Sa ngayon ay binabantayan na ng PNP Reina Mercedes ang eroplano habang nakauwi narin ang mga pasahero ng eroplano.











