Binigyang diin ng mga kongresistang miyembro ng Makabayan Bloc na sumasalamin sa dekada nang korapsyon sa Department of Public Works and Highways o DPWH ang matinding pagbaha na naranasan nitong Sabado sa Metro Manila.
Ayon kina Representatives Antonio Tinio ng ACT Teachers Party-list at Renee Louise Co ng Kabataan Partylist, dagdag pang patunay nito ang isiniwalat ni Quezon City Mayor Joy Belmonte na dalawa lang ang inaprubahan ng LGU mula sa 254 DPWH flood control projects na nagkakahalga ng P14.24 billion habang 138 lamang sa 1,652 DPWH projects sa Quezon City ang may certificates of coordination.
Nakakagalit para kay Tinio na habang nagdurusa at nawawalan ng kabuhayan ang mamamayan dahil sa baha ay patuloy na nagpapasasa sa pera ng taumbayan ang mga tiwaling opisyal at ang kanilang mga kasabwat na contractor sa pamamagitan ng overpriced, substandard, at minsan ay ghost na mga infrastructure projects.
Giit naman ni Rep. Co, hindi dapat maging normal ang pagbaha tuwing umuulan, kaya tama na ang pagkunsinti sa mga corrupt na opisyal at dapat na silang managot.











