CAUAYAN CITY- Plano ng bayan ng Reina Mercedes na mabawasan ang itinatapong basura sa sanitary landfill ng lungsod ng Cauayan.
Walang sariling dump site ang Mercedes kaya gaya ng ibang bayan ay idinadala ito sa lungsod ng Cauayan kapalit ng ilang halaga kada tonelada.
Alinsunod dito, inaprubahan sa konseho ang resolusyon na hinggil sa paghiling ng composting Facility para sa biodegradable waste ng Bayan ng Reina Mercedes sa Department of Agriculture.
Sakaling mabigyan ng pasilidad, mas mapapababa nito ang mga basurang itinatapon sa katabing bayan.
Batay sa datos, nasa apat na tonelada ng basura ang itinatapon ng Reina Mercedes sa garbage site ng Cauayan.
Kalahati nito ay mga biodegradable garbages base sa datos na ipinaabot sa konseho mula sa Municipal Environment and Natural Resources Office.
Ayon kay Sangguniang Bayan Salvador Apostol III, ang composting facility ang magpoproseso sa mga biodegradable waste na maari ring gamitin bilang fertilizer.
Makakatulong din ito upang mabawasan ang ibinabayad ng LGU sa mga basurang itinatapon sa sanitary landfill ng Cauayan.











