--Ads--

Welcome para sa hanay ng transportasyon ang pagkakatalaga kay USec Giovanni Lopez bilang pansamantalang mamumuno ng Department of Transportation (DOTr).

Ito ay matapos I-appoint ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. si DOTr Secretary Vince Dizon bilang bagong kalihim ng Department of Public Works and Highways (DPWH) matapos tanggapin ng Pangulo ang pagbibitiw sa pwesto ni Sec. Manuel Bonoan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ariel Lim, Convenor ng National Public Transport Coalition, sinabi niya na matagal na nanilbihan sa transportation industry si Lopez kay umaasa siya na sapat na ang karanasan nito upang maayos ang problema ng transportasyon sa bansa.

Kung sakali mang italaga bilang full-pledge secretary si Lopez ay dapat umanong ipagpatuloy nito ang nasimulan ni Dizon upang magkaroon ng pagbabago sa hanay ng DOTr.

--Ads--

Noong nakaraang Linggo ay may hinuha na si Lim na maaaring ilipat ng pamumunuang kagawaran si Dizon dahil lagi siyang kasama ni Pangulong Marcos pangunahin na sa pagbisita nito sa mga flood control project sa bansa.

Ayon kay Lim, naniniwala siya sa kakayahan ni Dizon subalit marami itong kahaharapin sa bago niyang tungkulin lalo na at malalaking tao ang makakabangga nito sa kaniyang hangaring malinis ang DPWH.