Iginiit ni Sarah Discaya, presidente ng Alpha & Omega Gen. Contractor & Development Corp., na “spliced” o pinutol ang kanyang viral interview kung saan sinabi niyang kumita ng bilyon ang kanilang pamilya mula sa mga kontrata sa Department of Public Works and Highways (DPWH).
Sa pagpapatuloy ng pagdinig ng Senate Blue Ribbon Committee ukol sa mga iregularidad sa flood control projects, sinabi ni Discaya na matagal na silang nasa industriya ng konstruksyon.
Ayon sa kanya, pinutol umano ang video ng panayam at binigyang-diin lamang ang bahagi kung saan nabanggit ang DPWH, kaya’t lumabas na tila doon lamang sila kumita ng malaki.
Bago pumasok sa konstruksyon, nagtrabaho si Discaya sa abroad bilang dental receptionist at orthodontic nurse. Ang kanyang ama at asawa ay mga kontratista rin.
Sinabi niyang nagsimula silang sumali sa bidding ng DPWH noong 2012, at nakapasok sa flood control projects noong 2016. Sa 491 proyekto na kanilang sinalihan noong 2022, 71 lamang ang kanilang nakuha.
Ang Alpha & Omega ay kabilang sa 15 kontratistang tinukoy ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. na nakakuha ng malaking bahagi ng P545 bilyong flood control budget ng pamahalaan.
Kinumpirma rin ni Discaya na pag-aari niya ang 28 luxury cars gaya ng Rolls-Royce, Cadillac, Maybach, at Range Rover, ngunit giit niya, hindi ito binili gamit ang pera ng bayan.
Nang tanungin ni Senate President Pro Tempore Jinggoy Estrada kung may kaugnayan siya sa ghost projects, mariin niyang itinanggi ito.
Ngunit binalaan siya ni Estrada na ipapakulong oras na matuklasan ang o mapatunayan ang mga ghost projects.











