Iginiit ng Cauayan City Veterinary Office na nananatiling ligtas ang Lungsod mula sa banta ng African Swine Fever (ASF).
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Ronald Dalauidao ng City Veterinary Office, sinabi niyang walang dapat ipangamba ang mga hog raiser at consumer dahil wala pang naitatalang kaso ng ASF sa lungsod, maging sa mga karatig-bayan.
Bagaman wala pang panganib ng ASF, aminado ang ahensya na marami pa ring nag-aalangan na mag-alaga ng baboy.
Ayon kay Dr. Dalauidao, nakikipag-ugnayan na rin ang kanilang tanggapan sa mga karatig-bayan at sa Regional Veterinary Office ng Region 2 upang mamonitor ang mga lugar na may banta ng ASF.
Samantala, tiniyak niya na sapat pa rin ang suplay ng baboy na ibinebenta sa lungsod dahil nakakapagkatay pa ng 50 hanggang 80 ulo ng baboy kada araw, sa kabila ng pangamba ng mga mamamayan.
Dagdag pa ni Dr. Dalauidao, ligtas ding kainin ang mga ibinebentang karne sa loob at labas ng pribadong pamilihan dahil ang mga ito ay dumaraan sa masusing pagsusuri.
Kadalasang pinagmumulan ng suplay ng baboy ay mula sa mga karatig-bayan tulad ng Angadanan at Reina Mercedes.











