--Ads--

CAUAYAN CITY – Arestado ang limang empleyado ng Land Transportation Office (LTO) Region 2 sa isang entrapment operation kagabi matapos umanong tumanggap ng P40,000 kapalit ng pag-release ng isang impounded na sasakyan.

Isinagawa ang operasyon bandang alas-6 kagabi sa harap ng Baldovi Terminal Compound, Barangay Banggot, Bambang ng pinagsanib na puwersa ng Bambang Police Station, Nueva Vizcaya Provincial Intelligence Unit, Provincial Intelligence Team–Nueva Vizcaya, at DOTR–CAR.

Sa nakuhang impormasyon ng Bombo Radyo Cauayan, nag-ugat ang operasyon matapos ang mga reklamo sa Nueva Vizcaya Provincial Police Office kaugnay sa pangingikil umano ng mga suspek ng P200,000 para sa pag-release ng isang van, o P25,000 bilang outright settlement. Kalaunan, pumayag umano ang grupo na tumanggap ng buwanang bayad na P1,000 kada unit at P2,000 kada green-plate van upang mapahintulutan sa kanilang operasyon.

Dahil dito ay naglatag ng entrapment operation ang PNP kung saan inaresto ang mga LTO employee matapos tanggapin ang pera sa trasaksyon.

--Ads--

Nasamsam sa operasyon ang isang Cal. 45 na baril at may pitong bala, isa pang Cal 45 na limang bala, Cal 9 mm na baril na may tatlong magazine at dalawampu’t isang na bala, dalawang magazine, isang sachet ng hinihinalang shabu, pipe tube, lighter, citation tickets, lisensya, cash, cellphones, LTO badge, at iba pa.

Dinala ang mga suspek sa Bambang Police Station para sa dokumentasyon. Inihahanda na ang mga reklamo para sa paglabag sa RA 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act at RA 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, habang pinag-aaralan pa ang posibleng karagdagang kaso kaugnay ng mga nakumpiskang baril at ilegal na droga.