--Ads--

Matapos ang isinagawang court-ordered search operation ngayong umaga sa punong tanggapan ng St. Gerrard Construction General Contractor and Development Corp. sa Pasig City, iniulat ng Bureau of Customs (BOC) ang mga bagong detalye kaugnay ng mga luxury vehicle na konektado sa pamilyang Discaya.

Dalawa sa labindalawang sasakyang saklaw ng search warrant mula sa Regional Trial Court ng Maynila, Branch 18, ang natagpuan sa operasyon na pinangunahan ng Intelligence at Enforcement units ng BOC. Kabilang dito ang Toyota LC300 3.3 V6 ZX AT SUV 2024 at Maserati Levante Modena 2022.

Dahil hindi agad natunton ang natitirang sampung sasakyan, nagbabala si BOC Commissioner Ariel F. Nepomuceno sa pamilyang Discaya na desidido ang ahensya na mahanap ang mga ito. Aniya, anumang kakulangan sa dokumento ay magreresulta sa buong pagbabayad ng kaukulang buwis at taripa.

“Ang sinumang magtatago o magtatangkang ikubli ang mga sasakyan ay mananagot sa ilalim ng batas,” giit ng opisyal.

--Ads--

Pagsapit ng gabi, kinumpirma ng BOC na pito sa natitirang sasakyan ay boluntaryong isinuko at kasalukuyang naka-secure sa compound ng St. Gerrard Construction. Kabilang sa mga ito ang Rolls Royce Cullinan 2023, Bentley Bentayga, Mercedes Benz G-Class (Brabus G-Wagon), Mercedes AMG G 63 SUV 2022, Toyota Tundra 2022, Toyota Sequoia, at Cadillac Escalade ESV 2021.

Ayon pa kay Nepomuceno, ang huling tatlong sasakyan ang Mercedes Benz G 500 SUV 2019, GMC Yukon Denali SUV 2022 (Gas), at Lincoln Navigator L 2024 ay nasa mga awtorisadong service center para sa pagkukumpuni at nakatakdang isuko sa BOC sa lalong madaling panahon.

Lahat ng sasakyang sangkot ay pormal nang tinatakan ng Customs at binabantayan 24/7 ng mga tauhan ng BOC at Philippine Coast Guard (PCG).

Pinuri ni Commissioner Nepomuceno ang pagtugon ng pamilyang Discaya sa kanyang babala at muling iginiit ang determinasyon ng ahensya na panagutin ang sinumang lalabag sa batas.

Nagpasalamat din siya sa Department of Transportation (DOTr), Land Transportation Office (LTO), Philippine National Police (PNP) – Eastern Police District (EPD), Highway Patrol Group (HPG), PCG, at mga opisyal ng Barangay Bambang sa Pasig sa kanilang tulong sa matagumpay na operasyon.

Ngayong accounted na ang lahat ng labindalawang luxury vehicles, patuloy na sinusuri ng BOC ang mga dokumento ng importasyon upang matukoy kung ito’y alinsunod sa batas.

Kapag may napatunayang paglabag, agad na isasagawa ang kaukulang aksyon alinsunod sa Customs Modernization and Tariff Act (CMTA).

Ang hakbang na ito ay tugon sa direktiba ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na paigtingin ang kampanya kontra smuggling, protektahan ang kita ng pamahalaan, at isulong ang transparency at pananagutan.