--Ads--

CAUAYAN CITY- Huli sa CCTV ang isang babae na umano’y may mental disorder habang binubuksan ang isang sasakyan at nagnanakaw ng pera sa Brgy. Cabaruan, Cauayan City.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Lorenzo Mangantulao ng District 3, kinumpirma niyang nakatanggap sila ng reklamo mula sa isang residente na nawalan ng mahigit ₱3,000 matapos mabiktima ng isang mentaly disabled na indibiduwal na residente ng Barangay District 3.

Matapos ang pagnanakaw ay agad umanong tumakas at umalis sa lugar ang suspek

Ibinunyag ni Kap. Mangantulao na hindi ito ang unang kaso ng pagnanakaw na kinasangkutan ng naturang indibidwal.

--Ads--

Sa katunayan Umaabot na sa sampung residente ang nagreklamo ng pagkawala ng pera, kabilang ang isang estudyanteng nawalan ng ₱14,000, ₱7,000, at ₱5,000 lahat ay iisa ang itinuturong salarin.

Aniya, tila may kakayahan ang suspek na matukoy kung saang lugar may pera at doon nagsasagawa ng pagnanakaw.

Bagamat naibalik ng pamilya ng suspek ang bahagi ng ninakaw mula sa taga-Cabaruan, hindi na ito kumpleto.

Dahil dito, pinayuhan ng barangay ang pamilya ng suspek na dalhin na ito sa mental health facility upang maiwasan ang patuloy na perwisyo sa komunidad.

Batay sa tala ng barangay, bumaba na ang kaso ng nakawan sa lugar dahil sa takot ng mga residente na mahagip ng CCTV. Gayunman, nananatiling hamon ang pag-aasikaso sa mga indibidwal na may mental disorder sa lugar.