CAUAYAN CITY- Halos hindi na nakatulog ang ilang residente sa Brgy District 1 dahil sa pagbabantay sa sapa sa kanilang lugar na kadalasang nagdudulot ng pagbaha sa ilang kabahayan tuwing may pag-ulang nararanasan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Lito Espigol, isang senior citizen at residente ng Brgy District 1, sinabi niya na isang oras lamang ang kaniyang tulog kagabi dahil sa pangamba ng pag apaw ng tubig dahil sa naranasang pag-ulan.
Aniya, tatlong beses siyang lumabas kagabi sa kasagsagan ng ulan upang I-check ang lebel ng tubig.
Bukod kasi sa edad na ay kasama pa niya ang kaniyang asawa na stroke patient
Bagama’t laging nababaha ay hindi naman sila makaalis sa lugar dahil wala naman silang ibang malilipatan.
Ang bahay nina Espigol ang pinakaunang bahay na inaabot ng pag-apaw ng tubig dahil halos sampung metro lamang ang layo ng kanilang bahay sa sapa kaya naman sila ang pinaka-priyoridad na inililikas ng mga awtoridad kapag may pagbaha.
Dahil sa kanilang sitwasyon, umaasa siya na sa mga susunod na pagkakataon ay wala na sanang anumang sama ng panahon ang maaaring makaapekto sa lungsod.











