Inirekomenda ng pamahalaang Panlungsod ng Cauayan ang pagkakaroon ng “uniformed protocol” na susundin ng mga paaralan pagdating sa pag-handle ng iba’t ibang uri ng sakit na nakaaapekto sa mga mag-aaral gaya na lamang ng Hand, Foot and Mouth (HFM) Disease.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Cauayan City Councilor Miko Delmendo, sinabi niya na sa isinagawa nilang pagdinig ngayong araw, ika-3 ng Setyembre ay napag-alaman na walang sinusundang gabay ang mga paaralan pagdating sa ganitong uri ng sitwasyon dahil sa kakulangan ng protocol.
Aniya hindi sapat ang pagsuspinde ng klase at disinfection sa paaralan dahil mas mainam aniya kung magkaroon ng contact tracing upang matukoy kung sino ang pinagsimulan ng sakit at kung sinu-sino ang nakasalamuha nito.
Ayon sa datos ng City Health Office 2, aabot na sa halos isang daan ang kaso ng HFM disease sa Lungsod kaya kinakailangan na ng kaukulang hakbang upang maiwasan ang pagkalat ng naturang sakit.
Naalarma rin si Delmendo nang malamang mayroong ilang mga magulang ang pinapapasok pa rin ang kanilang mga anak kahit nakitaan na ng sintomas ng sakit.
Dahil dito ay nakiusap siya sa mga magulang na kung nakitaan ng sintomas ng HFM Disease ang mga anak o sinumang miyembro ng pamilya ay mainam nai-isolate ang mga ito upang maiwasan ang hawaan at agad na komunsulta sa Doktor.
Aniya, ang ilang mga paaralan sa Lungsod ay nagsasagawa na ng hand washing at sanitizing bago pumasok sa school premises ang mga mag-aaral at nire-require na rin ang pagsusuot ng face mask upang hindi magkahawaan ng virus.
Bagaman hindi lahat ng eskwelahan sa Cauayan City ay may kaso ng HFM disease ay binigyan pa rin nila ng deadline ang CHO para sa agarang pagbuo ng uniformed protocol na susundin ng mga paaralan sa mga ganitong klase ng sitwasyon.











