--Ads--

Duda ang isang abogado kung may patutunguhan ang isinasagawang pagdinig ng kongreso kaugnay sa maanumalyang flood control projects.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Atty. Domingo “Egon” Cayosa, former president ng Integrated Bar of the Philippines, sinabi niya na mahirap para sa ilang mga kongresista na imbestigahan ang kanilang mga sarili lalo na at marami sa kanila ang sangkot umano sa mga insertions, tumanggap ng mga donasyon mula sa mga contractors at iba pang mga katiwalian.

Aniya, ang mga pagdinig sa kamara at senado ay “in aid of legislation” lamang at hindi sila maaaring mag-prosecute, sa halip ay maaari lamang silang magsumite ng rekomendasyon sa ombudsman o Department of Justice kung mayroon silang nahanap na mga ebidensya laban sa mga tiwali.

Iginiit ni Cayosa, sobra-sobra na ang mga batas sa Pilipinas laban sa korapsyon kaya hindi na kailangan ng mga recommendatory laws mula sa resulta ng hearing, bagkus ay enforcement ng batas ang kailangan.

--Ads--

Panahon na aniya para may makulong na mga mapatutunayang tiwaling mga opisyal na umabuso sa kanilang kapangyarihan.

Nakalulungkot lang umano dahil maging ang ilang mga Hukom, Ombudsma, COA ay nabibili at naiimpluwensiyahan minsan ng mga tiwali.

Batay sa track record, hindi pa hihigit sa 10% ang na-coconvict  na mga opisyal habang mahigit 90% ang nakakalusot sa kanilang kasalanan.

Mas mainam aniya kung suportahan na lamang ang imbestigasyon sa independent commission na siyang mamamahala sa pag-iimbestiga sa katiwalian sa flood control projects.

Dagdag pa niya, hindi lamang imbestigasyon at enforcement ang kailangan kundi maging na rin ang pagbabago ng sistema pagdating sa tamang paggamit ng pondo ng bayan.