Nakatakdang magsagawa ng exhibit ang Isabela Provincial Tourism Office, katuwang ang Philippine Veterans Bank, sa ika-5 ng Setyembre 2025. Ang exhibit ay pinamagatang “War of Our Fathers.”
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Isabela Provincial Tourism Officer Joanne Dy Maranan, sinabi niya na nais nilang bigyang-pugay at i-showcase ang mga kwento ng mga beterano kasabay ng pagpapalakas ng turismo sa lalawigan.
Ang naturang exhibit ay magtatagal hanggang ika-30 ng Setyembre. Kasabay nito, naghanda rin sila ng mga pagsasanay para sa mga frontliner ng Pamahalaang Panlalawigan ng Isabela na naglalayong mapahusay ang kanilang serbisyo sa pagtanggap ng mga turista.
Tuwing Huwebes ay magkakaroon ng trivia game na pinamagatang “I Know Isabela.” Ito ay isasagawa sa pamamagitan ng Facebook Live sa official page ng Isabela PIO mula alas-3 hanggang alas-4 ng hapon, kung saan magbibigay sila ng premyo sa mga lalahok.
Sa ika-26 ng Setyembre ay ipagdiriwang ang Sierra Madre Day, isang clean and green tourism activity na nakatuon sa mga gawaing may kaugnayan sa pangangalaga ng kalikasan.
Kasabay ng pagdiriwang ng Tourism Month ay pasisinayaan din ang Book Nook sa Isabela Museum and Library. Hindi ito isang tipikal na aklatan dahil mayroon din itong activity area para sa mga bata.
Mabibigyan din ng pagkakataon ang mga mag-aaral ng turismo mula sa Isabela State University na makilahok sa ilang aktibidad ng tanggapan, partikular sa Tourism Forum na naglalayong i-immerse ang mga estudyante sa mundo ng turismo.
Maliban sa pagpo-promote ng mga tourism site sa Isabela, tututukan din ngayon ng Tourism Office ang pagpapakilala at pagpapaunlad ng mga lokal na produkto ng mga Isabeleño.











