--Ads--

Isinailalim sa masusing inspeksyon ng EOD K9 Unit Region 2 ang ilang establisimyento sa lungsod ng Santiago matapos kumalat sa social media ang isang bomb threat mula sa isang dummy account noong Setyembre 3, 2025.

Sa kabila ng pangamba, walang natagpuang anumang uri ng pampasabog sa isinagawang canine search sa paligid ng pamilihan at mga lugar na tinukoy sa naturang banta.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni PCapt. Aldrin Galay, Public Information Officer ng EOD K9 Unit Region 2, na lubhang nakababahala ang pagpapakalat ng maling impormasyon lalo na kung may kinalaman sa pambobomba.

Bagama’t madalas na nagiging peke ang ganitong mga pananakot, binigyang-diin niyang hindi ito maaaring isantabi sapagkat nakasalalay dito ang kaligtasan ng publiko.

--Ads--

Dagdag ni Capt. Galay, nananatiling nakaalerto ang kapulisan at iba pang otoridad upang matiyak ang seguridad ng mga residente.

Gayunpaman, hanggang sa ngayon ay wala pang natutukoy o napapanagot na responsable sa pagpapakalat ng naturang bomb threat.

Matatandaang isang araw bago ang insidente, Setyembre 2, 2025, binulabog din ng bomb threat ang dalawang unibersidad sa Isabela.

Sa nakalipas na mga buwan, ilang ulit na ring nakapagtala ng kaparehong insidente sa lalawigan.

Dahil dito, muling nanawagan ang EOD K9 Unit sa publiko na iwasang magpakalat ng pekeng impormasyon na nagdudulot lamang ng takot at pangamba sa mamamayan.