--Ads--

Agad na nagtatag ng task force ang Isabela Anti-Crime Task Force (IACTF) upang magbantay sa mga paaralan sa lungsod ng Cauayan kasunod ng sunod-sunod na bomb threat.

Naalarma ang IACTF matapos tumanggap ng magkakahiwalay na ulat ng bomb threat sa iba’t ibang lugar sa Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Ginoong Ysmael Atienza Sr., Chairman ng IACTF, sinabi niyang kasalukuyan pa nilang inaayos ang sistema ng pagbabantay sa mga pribado at pampublikong eskwelahan.

Kabilang sa itatatag na task force ang mga barangay tanod at mga pulis na siyang magsasagawa ng mas mahigpit na seguridad. Ayon kay Atienza, malaking tulong ang pagkakaroon ng nakahandang pwersa upang hindi na maulit ang ganitong uri ng pangyayari na nagdudulot ng takot at pangamba sa mga mag-aaral, guro, at magulang.

--Ads--

Matatandaang ilang insidente ng bomb threat ang naiulat sa Isabela State University (Main Campus at San Mateo Campus), University of Perpetual Help System–Isabela Campus, at maging sa pamilihang bayan ng Lungsod ng Santiago.

Sa isinagawang imbestigasyon at canine search, wala namang natagpuang pampasabog sa mga nasabing lugar. Gayunpaman, iginiit ng IACTF na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa mga lokal na pamahalaan, paaralan, at iba pang ahensya upang matiyak ang kaligtasan ng publiko.

Dagdag pa rito, pinaalalahanan ng IACTF ang publiko na huwag agad mag-panic at iulat kaagad sa mga otoridad ang anumang kahina-hinalang bagay o aktibidad.

Paalala rin nila na ang pagpapakalat ng pekeng bomb threat ay may kaukulang parusa sa ilalim ng batas at maaaring humantong sa pagkakakulong.