--Ads--

Nakakabahala ang ulat ng Second Congressional Commission on Education (EDCOM-2) na nananatiling “bullying capital of the world” ang Pilipinas. Sa datos mula sa Programme for International Student Assessment (PISA), Department of Education, at De La Salle University, malinaw na dalawang hanggang tatlong estudyante sa bawat limang mag-aaral sa Grade 5 ang nakakaranas ng pang-aapi buwan-buwan.

Katumbas ito ng 63% ng mga batang nagsabing sila ay nakaranas ng pananakot, paninira, pangha-harass, at maging pananakit mula mismo sa kanilang mga kaklase.

Hindi na dapat balewalain ang sugat na idinudulot ng bullying. Sa murang edad, nag-iiwan ito ng peklat sa isipan at damdamin ng kabataan, peklat na maaaring makaapekto sa kanilang tiwala sa sarili, pag-aaral, at maging sa kanilang kinabukasan. Kung hahayaan, posibleng lumala ito at mauwi sa depresyon, pagkakahiwalay sa lipunan, at trahedya.

Ngunit sa harap ng seryosong problemang ito, malinaw na kapos pa rin ang suporta ng mga paaralan. Ayon sa DepEd, mayroon lamang 5,001 registered guidance counselors at 3,000 psychologists para sa mahigit 47,000 paaralan sa bansa. Ibig sabihin, libu-libong kabataan ang walang natatanggap na tamang gabay at tulong sa gitna ng kanilang paghihirap.

--Ads--

Hindi sapat ang pangaral o panandaliang kampanya laban sa bullying. Ang kinakailangan ay kongkretong hakbang, dagdag na guidance counselors, mas mahigpit na pagpapatupad ng anti-bullying policies, at higit sa lahat, aktibong pakikilahok ng mga magulang at guro upang magtulungan sa pagbuo ng ligtas na kapaligiran para sa mga bata.

Kung tunay nating mahal ang ating kabataan, hindi natin dapat ipagsawalang-bahala ang kanilang kaligtasan at mental health. Ang bawat batang Pilipino ay may karapatang lumaki sa isang paaralang ligtas, may respeto, at may malasakit. Panahon na upang wakasan ang kultura ng pananahimik sa harap ng pang-aapi.