--Ads--

Nagsalita na ang Department Of Public Works And Highways 4th Engineering District Office kaugnay sa naranasang pagbaha sa Poblacion Area ng Santiago City dahil sa malalakas na pag-ulan nitong mga nakaraang araw.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay District Engr. Agnes Lu ng DPWH Isabela 4th District Engineering Office, nilinaw niya na taliwas sa pahayag ng Lokal na Pamahalaan ng Santiago may naging coordination ang DPWH Region 2 para sa naturang drainage project noong October 2023 alinsunod na rin sa hawak nilang record. Gayunman, hindi anya nakadalo si Mayor Sheena Tan-Dy at sa halip ay mga engineers sa City Government ang nakasama sa pulong.

Matatandaan na kinuwestiyon ni Mayor Sheena ang aniya’y kawalan ng koodinasyon ng DPWH Isabela 4th District Engineering Office sa kanila kaugnay sa proyekto na nagdulot ng sakit ng ulo sa lunsod nitong mga nakalipas na araw.

Inihayag pa ni Engr. Lu malaki ang mga imburnal na inilatag para sa drainage project sa Santiago City kaya hindi rin sila makapaniwala sa nararanasang pagbaha doon.

--Ads--

Aniya unang gumawa ng plano ang DPWH District Engineering Office para sa drainage project subalit nang lumabas aniya ang pondo ay nagkaroon umano ng sariling plano ang regional office at high-density polyethylene pipe ang inilagay.

Paglilinaw niya na ang tanging trabaho nila bilang District Office ay mag-maintain o maglinis, declogging at vegetation control sa mga drainage projects sa Maharlika Highway habang ang nagpapatupad sa proyekto ay ang mismong DPWH Region 2.

Iminumungkahi din niya na magpalit ng catch inlet para mapalitan ang mga concrete manhole cover na barado ng bato, semento at basura.

Para bahagyang maibsan ang pagbaha ay pinatanggal na niya ang mga manhole cover at papalitan ng grills upang maalis ang obstruction o sagabal sa pagdaloy ng tubig lalo at madalas na may pag-ulan tuwing madaling araw.