--Ads--

Nagsimula ngayong araw ang District Meet ng mga atleta sa lungsod ng Cauayan, kung saan unang nagpakitang-gilas ang mga manlalaro mula sa West District.

Ipinamalas nila ang kanilang lakas, galing, at determinasyon sa iba’t ibang larangan ng palaro.

Ayon kay Tournament Director ng Athletics na si Sir Mark Asuncion, kapansin-pansin ang mataas na kalidad ng performance ng mga mag-aaral ngayong taon.

“Kung ikukumpara sa mga nakaraang palaro, mas maganda ang ipinapakitang laro ng mga bata ngayon isang positibong senyales para sa nalalapit na City Meet,” ani Asuncion.

--Ads--

Dagdag pa niya, malaking bagay ang maagang paghahanda ng mga atleta, lalo na’t tumaas ang performance ng lungsod sa nakaraang CAVRAA.

Umaasa si Asuncion na dahil sa mas maagang training, mas magkakaroon ng sapat na oras ang mga bata upang mag-ensayo at mapaghandaang mabuti ang susunod na lebel ng kompetisyon.

Samantala, giit ng ilang coach, mahalagang magkaroon ng eskwelahan na nakatuon lamang sa sports.

Anila, may mga batang likas ang husay sa larangan ng palakasan, at mas mahuhubog pa ang kanilang potensyal kung may institusyon na tututok sa kanilang pangangailangan.

Ayon sa kanila, kadalasan ay saka lamang nararamdaman ang suporta sa sports program kapag malapit na ang laban para sa CAVRAA, kaya’t nananawagan sila ng mas sistematikong suporta at maagang interbensyon para sa mga batang atleta.