Ikinadismaya ni US President Donald Trump ang pagsasama-sama nina Russian President Vladimir Putin, Chinese President Xi Jinping, at North Korean leader Kim Jong Un sa isinagawang military parade sa Beijing.
Mariin niyang inihayag ang umano’y “conspiracy” o pagsasabwatan ng tatlong bansa laban sa Estados Unidos kasabay ng engrandeng selebrasyon.
Ayon kay Bombo International News Correspondent Marissa Pascual, tahasang sinabi ni Trump sa kanyang social media post na kahina-hinala ang pagtitipon ng mga lider, sa kabila ng pagtanggi ng Russia, China, at North Korea sa paratang.
Giit ng kinatawan ng Russia, walang anumang sabwatan ang naganap at pawang diplomatic engagement lamang ang layunin ng pagbisita ni Putin.
Matatandaang ibinida ng China ang mga makabagong sandata, missile systems, at military assets sa naturang parada bilang paggunita sa ika-80 anibersaryo ng pagsuko ng Japan sa World War II.
Tampok sa parada ang hypersonic missiles, underwater drones, at robotic military units na nagpapakita ng modernisasyon ng Chinese military4.
Samantala, kamakailan ay gumawa ng hakbang ang Estados Unidos upang isulong ang pangmatagalang peace deal kaugnay ng Russia-Ukraine war. Gayunman, nanatiling tahimik si Putin at walang naging konkretong tugon sa panukala ng US.





