--Ads--

Nagdagdag ng tauhan ang Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City upang magbantay sa Alicaocao overflow bridge at mamonitor ang biyahe ng mga bangka sa lugar.

Matatandaang nalubog sa tubig ang Alicaocao overflow bridge dahil sa malalakas na pag-ulan, kaya’t mga motorbanca lamang ang tanging mode of transportation sa kasalukuyan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niyang upang maiwasan ang overloading ng mga pasahero, nagdagdag sila ng mga personnel na magbabantay, gayundin ng karagdagang bangka na magsasakay-tawid ng mga pasahero.

Aniya, dati ay dalawang motorbanca lamang ang bumibiyahe ngunit dinagdagan pa ito ng isa upang ma-accommodate ang mahabang pila ng mga pasahero patungong forest region at pabalik.

--Ads--

Dagdag pa niya, panahon na ng tag-ulan kaya’t kanilang pinaghandaan ang sitwasyon kung saan pabago-bago ang lebel ng tubig sa ilog at lumulubog ang tulay.

Pinaalalahanan naman ni Mallillin ang mga commuter na mag-ingat sa biyahe at sundin ang panuntunan na alas-sais lamang ng gabi ang huling byahe ng mga motorbanca, dahil mapanganib na ang pagtawid dulot ng malakas na agos ng tubig.