--Ads--

Umabot sa isandaang motorista at tricycle driver ang nasita ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City dahil sa obstruction sa mga kalsadang nakapaligid sa pribadong pamilihan.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, sinabi niya na karamihan sa mga nasita ay mga tricycle driver at delivery vans.

Kung matatandaan, matagal nang reklamo ng mga nagtitinda sa loob ng pamilihan ang kawalan ng maayos na paradahan at ang hirap makadaan papasok sa kanilang mga puwesto dahil sa mga nakaharang na sasakyan sa sidewalk. Problema rin ito ng mga mamimili na may dalang sasakyan dahil wala na silang maparadahan sa lugar.

Ayon kay Mallillin, pinulong na nila ang mga TODA sa pamilihan na may nakatalagang paradahan, ngunit hindi ginagamit dahil sa kung saan-saan nagpaparada ang mga tricycle driver na minsan pa ay sa mismong harapan ng mga establisimyento.

--Ads--

Isa rin sa dahilan ng clearing operation ay ang pangamba na, sakaling magkaroon ng sunog, maaaring hindi makadaan ang mga bumbero kung okupado ng mga sasakyan at vendor ang kalsada sa paligid ng pribadong pamilihan.

Muling pinaalalahanan ng POSD ang mga vendor at driver na sumunod sa mga panuntunan upang mapanatili ang kaayusan at kaligtasan sa pamilihan.