--Ads--

Umabot sa mahigit apat na libong pamilya o katumbas ng halos labindalawang libong katao ang apektado ng pagbaha sa ilang bahagi ng Region 2 bunsod ng Low Pressure Area (LPA) at Southwest Monsoon.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Regional Director Lucia Alan ng DSWD Region 2, sinabi niyang pangunahing apektado ng pagbaha ang mga lalawigan ng Quirino at Isabela na may kabuuang 47 barangay na naapektuhan.

Sa Isabela, umabot sa 3,300 pamilya o 10,145 katao mula sa 23 barangay sa Santiago City ang naapektuhan. Sa Quirino naman, nasa 680 pamilya o 2,249 katao mula sa 24 barangay sa mga bayan ng Diffun at Saguday ang nasalanta.

Nakapamahagi na ang DSWD ng 214 family food packs na nagkakahalaga ng ₱126,548. Nilinaw ni Alan na ito lamang ang kanilang ipinamigay dahil hindi naman malaki ang naitalang pinsala sa mga lugar at karamihan sa mga naapektuhan ay nakituloy pansamantala sa mga kaanak at kapitbahay.

--Ads--

Tiniyak din niya na may nakapreposition pa ring family food packs sa mga lokal na pamahalaan. Dagdag pa rito, lahat ng mga evacuee na tumuloy pansamantala sa evacuation centers ay nakabalik na rin sa kanilang mga bahay.