Muling nagbukas ng panibagong spillway gate ng Magat Dam ang National Irrigation Administration – Magat River Integrated Irrigation System (NIA-MARIIS) ngayong umaga ng Biyernes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Carlo Ablan, Division Manager ng Dam and Reservoir Division, sinabi niya na mula sa dating isang gate na may 2 metrong opening, ngayon ay aabot na sa tatlo nakabukas na gate ng dam na may kabuuang limang metrong opening.
Ang average outflow ng tubig sa dam ay 759.83 cubic meters per second habang umaabot naman ng 2,563 ang average inflow.
Sa ngayon ay patuloy pa rin ang pagtaas ng antas ng tubig dahil sa mga nararanasang pag-ulan sa magat reservoir pangunahin na sa bahagi ng Ifugao.
Muli namang pinaalalahanan ni Engr. Ablan ang publiko pangunahin na ang mga malapit sa Magat River na iwasan muna ang pagtungo sa ilog upang maiwasan ang mga hindi kanais-nais na insidente.











