--Ads--

Nagbigay ng babala si Vice Mayor Harold Respicio ng Bayan ng Reina Mercedes sa kontraktor ng filtration system ng Bliss Water Pumping Station, matapos mabigong tumugon sa mga tanong ng lokal na pamahalaan kaugnay sa status ng proyekto.

Ayon sa bise alkalde, matagal nang binibigyan ng palugit ang kontraktor upang magpaliwanag, ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na tugon.

Dahil dito, hindi isinasantabi ng Sangguniang Bayan ang posibilidad ng legal na aksyon bagamat sa ngayon ay hindi pa ito pormal na tinatalakay upang bigyan pa ng pagkakataon ang kontraktor na makipag-ugnayan.

Dagdag pa niya, ito na lamang ang hinihintay upang muling mapagana ang pumping station at matugunan ang kakulangan sa suplay ng tubig sa bayan.

--Ads--

Sa mga nakaraang buwan, minabuti ng konseho na daanin sa maayos na usapan ang isyu at bigyan ng sapat na panahon ang kontraktor upang makapagpaliwanag.

Subalit patuloy ang pananahimik ng kampo ng filtration system contractor bagay na ikinababahala ng lokal na pamahalaan.