Hamon para sa Regional Explosive and Canine Unit 2 na matukoy ang mga nasa likod ng sunod-sunod na bomb threat sa ilang unibersidad sa lalawigan ng Isabela at ilang establisimyento sa Santiago City.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Aldrin Galay ng Regional Explosive and Canine Unit 2, sinabi niyang nakakabahala na ang paulit-ulit na bomb threat na natatanggap nila.
Kamakailan, muling nakapagtala ng bomb scare sa University of Perpetual Help System–Cauayan Campus, Isabela State University–Echague Campus, Isabela State University–San Mateo Campus, at maging sa ilang establisimyento sa Santiago City.
Paglilinaw niya, ang kanilang incident commanders ang nagpapasya sa status ng natatanggap na bomb threat sa partikular na lugar matapos isagawa ang paneling.
Sa kasalukuyan, may mga hakbang na isinasagawa ang EOD Canine Unit 2 sa ilalim ng bagong pamunuan, kabilang na ang pagpapaskil ng tarpaulin sa mga paaralan na nagbababala na ang “bomb joke” ay isang krimen.
Ayon kay Galay, una na nilang ipinatupad ang naturang proyekto sa lalawigan ng Quirino. Pinapasalamat na lamang nila na hanggang ngayon ay wala pa silang nakukumpirmang explosive hazard sa mga eskuwelahan at unibersidad na nakatanggap ng bomb threat.
Nagpasalamat din siya sa komunidad dahil sa maagap na pagbibigay ng impormasyon sa mga awtoridad na nagreresulta sa mabilis na pagtugon.
Gayunman, malaking hamon pa rin para sa Regional Anti-Cybercrime Unit at EOD Unit 2 ang pagtukoy sa mga suspek na gumagamit ng fake o dummy accounts, na sana’y susi sa pagkakakilanlan ng mga nasa likod ng mga banta.
Binigyang-diin ni Galay ang kanilang paulit-ulit na paalala na ang bomb threat ay isang uri ng panggugulo na sumisira sa katahimikan at kaayusan, at nagdudulot ng abala sa operasyon ng mga establisimyento, lalo na sa mga paaralan.











