Naayos na ng Cauayan City Engineering Office ang bumigay na approach ng Sipat Bridge na matatagpuan sa pagitan ng Barangay District 3 at Labinab, Cauayan City.
Matatandaan na tuluyang bumagsak nitong nakaraang gabi ang approach ng tulay, dahilan upang agad na kumilos ang lokal na pamahalaan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Kagawad Allan Castillo ng District 3, sinabi niyang agad tumugon ang Engineering Office sa pamamagitan ng pagtatambak ng lupa at pira-pirasong binakbak na semento upang maisaayos agad ang tulay.
Ayon kay Castillo, ang lupa at mga pira-pirasong semento ay mula sa tinanggal na bahagi ng kalsada noong may isinagawang road concreting, habang ang excavator naman ay ipinadala ng lokal na pamahalaan para sa backfilling ng bumigay na approach.
Una na ring pinaiigting ng mga opisyal ng barangay ang pagbabantay sa lugar upang matiyak na walang maaksidenteng motorista na magtatangkang dumaan.
Nakapaglagay rin ng mga signages upang paalalahanan ang mga motorista na bawal nang ipilit ang pagtawid sa tulay bago ito buksan sa mga motorista ngayong araw.











