Kasado ngayong araw ang clearing operations matapos ang serye ng landslides sa ilang bayan ng Nueva Vizcaya nitong mga nakalipas na araw dahil sa mga pag-ulan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay LDDRM Assistant Mary Christine Olog, sinabi niya na passable na ang halos lahat ng mga pangunahing daan sa lalawigan.
Aniya, bagamat nakapagtala ng ilang serye ng landslides sa mga bulubunduking bahagi, nakipag-ugnayan na sila sa DPWH para sa clearing operations.
Sa kasalukuyan, one-lane passable lamang ang mga kalsada sa Imugan at Baracbac sa Santa Fe, Castillo–Villavieja–Bambang Road sa Kayapa, habang not passable naman ang bahagi ng provincial road sa Aritao na nakatakda na ring isailalim sa clearing.
Binabantayan din ngayon ang mga lugar na posibleng makaranas pa ng rain-induced landslides kabilang ang Santa Fe, Kasibu, Diadi, Aritao, Alfonso Castañeda, at Ambaguio.
Wala namang naitalang residente na kinailangang ilikas dahil sa mga pagguho ng lupa.
Hindi rin inaasahan ang matinding trapiko sa mga one-lane passable areas sa Santa Fe at Diadi, subalit posible pa ring magkaroon ng moderate traffic lalo na sa oras ng dagsa ng mga sasakyang palabas ng lalawigan.











