--Ads--

Muling gumuho ang flood control project sa Riverside ng Barangay Alicaocao dahil umano sa mga naranasang pag-ulan.

Ayon sa impormasyong nakuha ng Bombo Radyo Cauayan mula sa ilang residente, ito na ang ikatlong beses na gumuho ang naturang proyekto.

Batay sa pagsisiyasat ng Bombo Radyo Cauayan at sa ulat ng Sumbong sa Pangulo Website, dapat ay natapos pa noong 2022 ang proyekto na may inisyal na pondong higit P44 milyon. Dalawang construction company ang may hawak dito, isa ay nakabase sa Lungsod ng Ilagan. Subalit hanggang ngayon ay ginagawa pa rin ito, at ang mga bahagi ng proyektong natapos na ay muli namang gumuho.

Ayon sa ilang residente, posibleng dahilan ng paulit-ulit na pagguho ay ang basang lupa.

--Ads--

Ikinuwento ni Roger Agcaoli na madaling araw ng Setyembre 7 nang marinig niya ang tila pagtunog ng mga bakal sa slope ng flood control hanggang sa unti-unti itong dumausdos.

Dagdag pa niya, naranasan din niyang magtrabaho bilang construction worker sa naturang proyekto. Aniya, makapal naman ang mga bakal na ginamit nila habang ginagawa ito. Kaya’t duda niya, maaaring dahil sa tuloy-tuloy na paggawa sa kabila ng basang lupa kaya nagkaroon ng problema sa proyekto.

Sa ngayon, sinisikap pa rin ng himpilan ng Bombo Radyo Cauayan na makuha ang panig ng contractor ng proyekto, gayundin ng DPWH 3rd District Engineering Office na may sakop sa lugar.