Nangunguna ang vehicular accident sa mga madalas na naitatala sa bayan ng Reina Mercedes.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay PCapt. Jefferson Dalayap, Deputy Chief of Police ng Reina Mercedes Police Station, sinabi niya na kadalasang nasasangkot sa mga aksidente ay mga menor de edad na nagmamaneho nang walang kaukulang dokumento.
Pinapatawag naman ang mga magulang ng mga menor de edad na mahuhuling nagmamaneho, alinsunod sa Presidential Decree 603, kung saan may kaukulang kaparusahan ang mga magulang na nagbibigay pahintulot sa kanilang anak na magmaneho kahit hindi pa ito nasa tamang edad.
Isa sa mga hakbang ng kapulisan upang maiwasan ang mga aksidente ay ang maigting na pagbabantay sa mga kalsada para paalalahanan ang mga motorista hinggil sa ligtas na pagmamaneho, gayundin ang pagsasagawa ng mga symposium sa mga paaralan upang magbigay ng kaalaman ukol sa road safety.
Samantala, sa ikatlong quarter ng 2025, naaresto ng Reina Mercedes Police Station ang Rank 1 Regional Wanted Person na nahaharap sa kasong rape.
Tiniyak naman ni PCapt. Dalayap na tuloy-tuloy ang kanilang pakikipag-ugnayan sa komunidad upang mailapit ang serbisyo ng kapulisan sa publiko, lalo na sa mga nangangailangan.
Simula umano nang maideklara bilang drug-cleared municipality ang Reina Mercedes noong Disyembre 27, 2023, ay wala na silang namomonitor na gumagamit o nagbebenta ng ilegal na droga sa kanilang nasasakupan.











