--Ads--

Bumigay ang ilang bahagi ng flood control project sa Barangay Mallalatang Grande, Reina Mercedes, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Punong Barangay Jayson Deculing ng Mallalatang Grande, sinabi niya na isa sa mga tinitingnan nilang dahilan kung bakit ito bumigay ay dahil mayroong bahagi ng flood control ang hindi nasementohan kung kaya’t nakapasok ang tubig sa loob.

Malaking perwisyo naman ito para sa ilang mga magsasaka dahil unti-unting natitibag ang kanilang sakahan na malapit sa ilog dahil wala nang flood control na sumusuporta rito.

Sa tuwing tumataas kasi ang antas ng tubig ay naapawan ang mga lupang sakahan na malapit dito kaya laking pasasalamat nila noong natapos ang proyekto sa lugar dahil hindi na matitibag ang kanilang lupa subalit dahil sa bumigay ang flood control ay nanganganib muling matibag ang mga sakahan doon.

--Ads--

Nanawagan naman siya sa kontraktor ng naturang proyekto na agad ayusin ang nasirang bahagi ng flood control upang hindi na lumala pa ang sitwasyon sa lugar.

Batay sa Sumbong sa Pangulo Website, natapos ang konstruksyon ng phase III ng naturang proyekto noong Hulyo 2024 na may pondong 49,475,237.33.