Tatlong katao ang sugatan matapos ang malakas na pagsabog ng LPG tank sa isang laundry shop sa Barangay 2, San Mateo, Isabela na nagdulot din ng sunog sa establisimyento.
Kinilala ang mga biktima na sina Jocelyn Palaguitto at Jenalyn Salinas, kapwa helper sa naturang shop, at si Freddie Lee Cadiz, isang electrician na nagpa-vulcanize lamang sa malapit nang mangyari ang insidente.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Palaguitto, sinabi niyang bago ang pagsabog ay naaamoy na nila ang gas leak mula sa tangke ng LPG na nakalagay sa saradong bahagi ng shop.
Humingi sila ng tulong kay Cadiz upang palitan ang tangke, ngunit bigla itong sumabog habang inaayos, dahilan upang magtamo ng lapnos sa katawan ang mga biktima.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay FO2 Sharmaine Gabia ng BFP San Mateo, natanggap nila ang tawag hinggil sa insidente at agad rumesponde.
Pagdating ng kanilang team, nasusunog na ang ilang bahagi ng laundry shop at agad nilang isinagawa ang pag-apula ng apoy upang hindi na kumalat pa sa mga kalapit na establisimyento.
Batay sa paunang imbestigasyon, nakapuwesto ang LPG tank sa isang closed space kaya’t nang magkaroon ng leak ay nakulob ang gas at sumabog sa oras na may nagsimula ng pag-aayos. Dahil dito, maliban sa sugat na tinamo ng mga biktima, nadamay din ang ilang gamit at bahagi ng gusali.
Dinala agad sa pagamutan ang tatlong biktima kung saan patuloy silang ginagamot at inoobserbahan dahil sa lapnos sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Nagpaalala naman ang BFP sa publiko na kapag nakakaamoy ng gas leak, agad na buksan ang lahat ng bintana upang mailabas ang nakulob na gas, isara ang tangke, at iwasan ang pagbubukas ng anumang apoy o electrical appliances na maaaring magsimula ng pagsabog.











