--Ads--

Inatasan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Nueva Vizcaya 2nd District Engineering Office ang contractor ng gumuhong slope protection at bahagi ng kalsada sa Aritao, Nueva Vizcaya na ayusin ang naturang proyekto.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Engr. Rosita Tinawin ng DPWH Nueva Vizcaya 2nd District Engineering Office, una nilang natanggap ang ulat kaugnay sa insidente sa Aritao.

Batay sa paunang pagsusuri, gumuho ang slope protection sa shoulder ng katatapos lamang na proyekto, na nagresulta sa pagkahulog ng isang cargo jeep na may sakay na dalawang katao. Lumabas sa assessment na sanhi ng matinding pag-ulan ang pagguho.

Dahil sa paglambot ng lupa, nabarahan ng landslide ang cross drain sa catch basin. Nang mabarado ang daluyan ng tubig, pumasok ito sa mga bitak ng kalsada na lalo pang nagdulot ng saturation ng lupa sa ilalim ng proyekto.

--Ads--

Natapos ang proyekto noong Hulyo 2024 at bagama’t tapos na ang isang taong defect liability period nito noong nakaraang Hulyo, sakop pa rin ito ng warranty.

Nakipag-ugnayan na ang DPWH sa contractor at nagpadala ng written order upang bisitahin ang site at ayusin ang gumuhong bahagi ng slope at kalsada. Inatasan din ang contractor na makipag-ugnayan sa dalawang biktimang nasugatan sa insidente.

Nagkasundo na ang contractor at mga biktima na sagutin ang lahat ng gastusin para sa pagpapagamot at pagsasaayos ng nasirang jeep.

Sa kasalukuyan, may mga inilagay nang safety barriers at sinarado ang entry at exit sa mismong lugar ng pagguho.

Patuloy ding isinasagawa ang imbestigasyon kaugnay sa ginamit na materyales at sa plano ng paggawa ng slope protection at kalsada.

Pinapaalalahanan ng DPWH ang mga motorista na dumadaan sa lugar na maging maingat. Humihingi rin sila ng pang-unawa sa publiko kaugnay sa hindi inaasahang pangyayari at tiniyak na ginagawa ang lahat ng hakbang upang maisaayos agad ang nasirang kalsada.

Binigyang-diin din ni Engr. Tinawin na bukas ang kanilang tanggapan sa mga reklamo at suhestyon mula sa publiko hinggil sa mga proyektong nangangailangan ng atensyon upang agad na matugunan.

Kasabay nito, nanawagan siya sa mga netizen na huwag lahatin ang ahensya sa kabila ng mga isyung kinahaharap nito, dahil bagama’t may ilang tauhan na nalilihis ng landas, naapektuhan din aniya ang kanilang mga pamilya sa bawat negatibong isyung ibinabato.