Personal na bumisita sa himpilan ng Bombo Radyo Cauayan si DSWD Secretary Rex Gatchalian.
Sa isang exclusive interview, sinabi ng kalihim na layunin ng kanyang pagbisita sa Lungsod ng Cauayan ang pag-inspeksyon sa Bahay Pag-asa kung saan pinangangasiwaan ang mga kabataang nasa ilalim ng kategoryang Children in Conflict with the Law (CICL).
Ipinaliwanag niya na ang bawat Bahay Pag-asa ay pinatatakbo ng mga Local Government Unit (LGU), habang ang DSWD ang nagmomonitor upang matiyak na nasusunod ang itinakdang pamantayan. Napapanahon ito sa gitna ng mainit na usapin hinggil sa panukalang pagbaba ng minimum age of criminal liability.
Ayon sa kalihim, naninindigan ang DSWD na ang mga batang edad 15 pababa ay nangangailangan ng tamang interbensyon, batay na rin sa mga pag-aaral na nagsasabing ang discernment ng isang bata ay ganap pang nade-develop lampas sa edad na 15.
Bukod sa Cauayan City, nakatakda rin siyang bumisita sa lalawigan ng Quirino upang personal na makipag-ugnayan sa mga benepisyaryo ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps). Layunin nito na direktang marinig ang kanilang mga hinaing at suhestyon para mas mapabuti pa ang pagpapatupad ng programa.
Kaugnay nito, binigyang-diin ng kalihim na prayoridad pa rin ng ahensya sa budget deliberation ang pagpapalakas ng 4Ps, kung saan halos kalahati ng pondo ng DSWD ay nakalaan. Ito umano ang pinakamalaking anti-poverty program ng gobyerno na sa kabuuan ay nakaiahon na ng tinatayang 1.4 milyong Pilipino mula sa kahirapan.
Kasabay nito, palalawigin din ang Walang Gutom Program na mayroon nang nakalaang pondo sa ilalim ng National Expenditure Program. Prayoridad din ang pagtatayo ng karagdagang care facilities at mga shelter para sa kababaihan, kabataan, at mga taong naninirahan sa lansangan.
Samantala, tiniyak ng DSWD na handa sila sa anumang sakuna. Mayroon silang mga prepositioned goods na nakalaan bago pa man tumama ang kalamidad, at patuloy din ang pagpapalawak ng mga warehouse para sa imbakan ng relief goods. Nakaantabay rin ang Quick Response Fund ng ahensya para sa agarang pangangailangan.
Sa huli, ipinaalala ng DSWD ang kahalagahan ng pagkuha ng tamang impormasyon mula lamang sa kanilang mga validated social media pages upang maiwasan ang maling balita.











