Walang Pilipino ang direktang naapektuhan sa airstrike na isinagawa ng Israel sa Doha, Qatar ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA) nitong Miyerkoles.
Gayunman nanawagan ang DFA sa mga Pilipino sa naturang lugar na manatiling kalmado, sumubaybay sa mga mapagkakatiwalaang balita at sundin ang mga direktiba ng lokal na pamahalaan.
Patuloy na minomonitor naman ng embahada ang kalagayan ng mga Pinoy doon.
Pinayuhan din ang mga ito na manatili muna sa loob ng bahay at iwasan ang pampublikong lugar kung hindi naman kinakailangan.
Kinumpirma ng Ministry of Foreign Affairs ng Qatar na tinarget ng Israel ang ilang gusaling tirahan kung saan naninirahan ang mga miyembro ng Political Bureau ng Hamas sa Doha.
Mariin namang kinondena ng Qatari foreign ministry ang naturang pag atake na tinawag nilang “cowardly attack” at “criminal assault” na malinaw umanong paglabag sa international laws and norms.











