Nakipag-ugnayan na ang Schools Division Office o SDO Santiago City sa mga school heads upang makipagcoordinate sa mga opisyal ng barangay para sa pagpapalagay ng mga warning signs at paalala sa mga irrigation canal matapos ang insidente ng pagkalunod ng isang mag-aaral kamakailan.
Matatandaan na isang Grade 3 student ang nalunod sa isang irigasyon sa Barangay Sagana, Santiago City noong Setyembre 9, 2025.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Schools Division Superintendent Dr. Alfredo Gumaru Jr., sinabi niya na bagama’t labas sa paaralan ang lugar ng insidente, nararapat lamang na mabigyan ito ng kaukulang pansin upang maiwasan ang pagkaulit ng kahalintulad na trahedya.
Batay sa imbestigasyon ng mga otoridad, nagkayayaan umano ang biktima at dalawa pa nitong kaklase na pumunta sa irigasyon at lumangoy pasado alas-3:00 ng hapon matapos ang kanilang klase. Sa kasamaang-palad, nalunod ang mag-aaral habang naliligo sa ilog.
Bunsod nito, nanawagan si Dr. Gumaru sa mga guro, school heads, at magulang na tiyakin ang kaligtasan ng mga bata sa paglabas ng paaralan. Aniya, mahalagang masigurong diretso nang umuuwi ang mga bata pagkatapos ng klase at iwasan ang pagpunta sa mga delikadong lugar gaya ng irigasyon, palaisdaan, o ilog.
Dagdag pa niya, kung malayo ang bahay ng mga bata, nararapat na sunduin sila ng kanilang mga magulang o guardian upang maiwasan ang posibleng aksidente habang naglalakad pauwi.
Tiniyak naman ng SDO Santiago City na patuloy silang makikipagtulungan sa barangay at iba pang ahensya upang masiguro ang kaligtasan at kapakanan ng mga mag-aaral hindi lamang sa loob ng paaralan kundi maging sa kanilang kapaligiran.











