--Ads--

Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya kaugnay sa naganap na bomb scare sa isang paaralan sa Cabatuan, Isabela.

Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Police Major Romeo Mabea, hepe ng Cabatuan Police Station, sinabi nito na nakatanggap sila ng ulat kaugnay ng bomb scare sa Cabatuan National High School.

Agad na rumesponde ang mga pulis at nagsagawa ng masusing search operation sa buong paaralan. Subalit, wala silang natagpuang anumang bomba o pampasabog.

Batay sa inisyal na impormasyon, isang gusot na papel ang natagpuan ng nagroroving na security guard sa loob ng school premises nitong madaling-araw ng Miyerkules. Nakasaad sa papel ang banta ng pambobomba. Agad naman niya itong inilagay sa kanilang guard post at ipinakita sa kanyang kapalit na gwardya.

--Ads--

Muling itinurn-over ito ng security guard sa pamunuan ng paaralan, na kaagad namang nag-ulat sa Cabatuan Police Station para sa beripikasyon at agarang pagsusuri sa paligid ng paaralan.

Kabilang sa isinagawang hakbang ng mga awtoridad ang pagreview ng mga kuha sa CCTV camera sa lugar. Gayunman, wala silang nakitang ebidensya kung sino ang posibleng nag-iwan ng naturang bomb threat.

Base sa sulat, mga makakaliwang grupo umano ang pinagmulan ng bomb threat at may kasama sila sa loob ng paaralan kaya isa ito sa kanilang masusing iniimbestigahan at bineberipika.

Ayon kay PMaj. Mabea, itinuturing nila itong seryosong usapin na hindi maaaring ipagsawalang-bahala. Tiniyak niya na magpapatuloy ang imbestigasyon hanggang matukoy at managot ang nasa likod ng banta.

Para sa kaligtasan ng mga estudyante ay pansamantalang sinuspinde ang face to face classes at modular muna ang paraan para makapagpatuloy pa rin sila sa pag-aaral.

Dagdag pa ng opisyal, mahalagang matiyak ang kaligtasan ng mga mag-aaral at guro, kaya’t nananatiling naka-alerto ang pulisya habang pinaiigting din ang seguridad sa paaralan.

Ngayong araw ay balik na sa normal ang pasok ng mga estudyante bagamat mas magiging mahigpit na ang paaralan sa mga nakakapasok sa school premises.