Pinaalalahanan ng Public Order and Safety Division (POSD) Cauayan City ang mga opisyal ng barangay na higpitan ang pagbabantay laban sa mga kabataang gumagamit ng mga boga ngayong nagsimula na ang Ber-months at papalapit ang Kapaskuhan.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay POSD Chief Pilarito Mallillin, binigyang-diin niya na tungkulin ng mga barangay officials na tiyakin ang kaligtasan ng kanilang mga nasasakupan, lalo na ng mga kabataan na karaniwang gumagamit ng mga improvised na boga.
Ayon kay Mallillin, napakadelikado ng mga ito dahil gawa lamang sa mga materyales gaya ng PVC pipe, lata, o iba pang recycled na bagay, at gumagamit ng gaas o alkohol bilang pampaputok. Dahil dito, marami na umano ang nadisgrasya at mayroon na ring mga nasawi sa mga nakaraang taon dahil sa maling paggamit ng boga.
Dagdag pa niya, sa nakaraang Pasko ay marami silang nakumpiskang mga boga sa iba’t ibang barangay sa lungsod ng Cauayan. Kaya’t pinaalalahanan din niya ang mga residente na huwag tangkilikin o bumili ng mga ito dahil bukod sa delikado, labag din ito sa batas.
Nilinaw din ni Mallillin na kahit may mga awtorisadong tindahan na nagbebenta ng ligal na paputok at fireworks, nananatiling istrikto ang kanilang pagpapatupad ng regulasyon, lalo’t maraming klase ng paputok ang ipinagbabawal ibenta at gamitin.
Dagdag pa niya, tuloy-tuloy ang monitoring at operasyon ng POSD katuwang ang pulisya at barangay officials upang masiguro ang ligtas at mapayapang pagdiriwang ng Kapaskuhan sa Cauayan City.











