Nagpahayag ng pagkabahala ang isang kongresista kaugnay ng paglipat kay dating Bulacan 1st District Assistant Engineer Brice Hernandez mula sa PNP Custodial Center sa Camp Crame patungo sa Pasay City Jail.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Bicol Saro party-list Rep. Terry Ridon, na siya ring lead presiding officer ng House infra-committee, nalalagay sa panganib ang buhay ni Hernandez matapos itong magbigay ng mga kontrobersyal na testimonya laban sa ilang mataas na opisyal ng pamahalaan.
Ipinunto ni Ridon na mas mainam kung mananatili si Hernandez sa PNP Custodial Center o sa loob mismo ng Senado upang masiguro ang kanyang kaligtasan. Giit pa niya, nananatili si Hernandez bilang resource person at hindi akusado kaya’t nararapat lamang na bigyan ito ng mas mataas na antas ng seguridad.
Patuloy naman ang panawagan na muling pag-isipan ng Senado ang desisyon sa kanyang paglilipat upang maiwasan ang anumang banta sa kanyang buhay.
Matatandaang isinailalim si Hernandez sa contempt order ng Senate blue ribbon committee noong nakaraang linggo kaugnay ng isyu sa isang umano’y pekeng driver’s license. Una siyang ikinulong sa Senado bago pinayagang tumestigo sa House infra-committee.
Sa kanyang pagtestigo, idinawit niya sina Senador Joel Villanueva at Jinggoy Estrada sa umano’y mga anomalya sa flood control projects sa Bulacan.
Batay sa kanyang pahayag, humihingi umano ang dalawang senador ng malaking porsyento mula sa halaga ng proyekto kapalit ng kanilang pakikilahok.
Mariin namang itinanggi nina Estrada at Villanueva ang mga paratang. Nagpahayag sila na walang katotohanan ang alegasyon at iginiit ang kanilang kahandaang sumailalim sa anumang imbestigasyon.
Sa kabila ng mga alegasyon, walang balak ang House infra-committee na ipatawag ang dalawang senador dahil labag umano ito sa prinsipyo ng interparliamentary courtesy.











