--Ads--

Naniniwala ang Echague Police Station na estudyante ang posibleng may kagagawan sa dalawang insidente ng bomb threat sa Isabela State University (ISU) Echague Campus.

Matatandaan na muling nabahala ang pamunuan ng unibersidad nitong nakaraang linggo matapos makatanggap ng panibagong banta ng pambobomba.

Ayon kay PLT Robin Apaga, Admin Police Commission Officer ng Echague PNP, malaki ang posibilidad na estudyante ang nasa likod ng mga insidente. Bagaman hindi pa tiyak ang motibo, naniniwala ang pulisya na layunin nitong istorbohin ang klase at lumikha ng takot sa loob ng paaralan.

Tiniyak ng pulisya na patuloy ang kanilang imbestigasyon at mas pinaiigting pa ang seguridad sa tulong ng administrasyon ng ISU. Kasama rito ang mahigpit na pagbabantay sa mga pumapasok sa campus, lalo na ang mga hindi estudyante o kawani ng paaralan.

--Ads--

Pinawi rin ng pulisya ang pangamba ng mga magulang, at sinabing ginagawa nila ang lahat upang mapanatiling ligtas ang mga mag-aaral sa kabila ng mga banta.