--Ads--

Kinumpirma ni Vice Mayor Harold Respicio ng Bayan ng Reina Mercedes na minsan na siyang hinikayat ng isang kamag-anak na pumirma sa Vice Mayor for Good Governance bilang suporta sa transparency at accountability kaugnay ng mga umano’y anomalya sa flood control project ngunit tinanggihan niya ito.

Ayon sa bise alkalde, hindi dahil tutol siya sa layunin ng kanyang mga kapwa opisyal, kundi dahil hindi ito ang kanyang batayan sa pamumuno. Giit niya, mas mahalagang husgahan siya sa kanyang mga konkretong aksyon kaysa sa simpleng pagpirma sa isang kasunduan.

Dagdag pa niya, walang malinaw na sistema o matrix kung ano ang magiging hakbang ng mga pumipirma, kaya’t mas pinili niyang hindi lumahok. Wala rin aniyang sinumang opisyal o kinatawan ang lumapit sa kanya upang hikayatin siyang sumali.

Kung sakaling may magtungo sa kanyang opisina para humingi ng pirma, mas pipiliin pa rin niyang ipakita ang mabuting pamumuno sa gawa, hindi sa papel.

--Ads--

Nilinaw rin ni Respicio na hindi siya pabor sa anumang uri ng katiwalian, lalo na sa mga proyekto ng flood control. Aniya, tungkulin ng isang lingkod-bayan na siguruhing napapakinabangan ng mamamayan ang pondo ng gobyerno, hindi ito kinukuha para sa pansariling interes.