Ipinaliwanag ng Schools Division Office (SDO) Santiago City ang revised guidelines sa class at work suspension tuwing may sakuna o emergency gaya ng bagyo at pagbaha.
Sa panayam ng Bombo Radyo Cauayan kay Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng SDO Santiago City, sinabi niya na may standing order mula sa Department of Education (DepEd) na kung ang isang estudyante ay nakatira sa bahaing lugar at itinuturing nang delikado ang pagpasok, maaari nang hindi papasukin ng kanilang mga magulang ang kanilang mga anak.
Partikular na tinukoy ni Dr. Gumaru ang mga estudyanteng kailangang tumawid sa ilog o overflow bridge. Aniya, inaabisuhan na agad ang mga ito na huwag pumasok para maiwasan ang anumang panganib.
Ipinaliwanag din niya na awtomatikong ipinatutupad ang alternative learning modalities para sa mga hindi makakadalo sa klase. Kasama rito ang pamamahagi ng printed learning modules, online lessons, at paggamit ng mga group chat ng klase para sa komunikasyon at updates. Layunin nito na matiyak na tuloy-tuloy pa rin ang pag-aaral ng mga bata kahit na naapektuhan ng kalamidad.
Sa isinagawang monitoring ng SDO Santiago City, kabilang sa mga lugar na madalas apektado ang ilang bahagi ng Barangay Mabini, Barangay Batal, at iba pang barangay malapit sa ilog, kung saan maraming estudyante ang napipilitang lumiban sa klase kapag biglang tumaas ang lebel ng tubig.
Dagdag pa rito, sinabi ni Dr. Gumaru na may aktibong koordinasyon ang SDO Santiago City sa lokal na Disaster Risk Reduction and Management Office (DRRMO) upang magkaroon ng real-time na impormasyon at agarang abiso sa mga paaralan tuwing may pagbaha o bagyo.
Binigyang-diin din niya na ngayong panahon ng tag-ulan, mahalaga ang maagang paghahanda ng mga paaralan, kabilang ang pagkakaroon ng updated risk assessment, evacuation plan, at sapat na impormasyon campaign para sa mga guro, estudyante, at magulang, upang masiguro ang kaligtasan ng lahat.











